FEATURED POETRY: Munting Sinungaling ni Lance Patrick Ty















Basang-basa ako.
Basang-basa sa daloy ng aking luha,
na unting-unitng gumagapang sa aking mga pisngi.
Pumapatak sa dibdib, kumakatok sa nalalantang puso.

Basang-basa ako.
Basang-basa sa lawa ng dugo,
na galing sa sugat ng aking puso,
mula sa sugat ng ating pagmamahal,
ang nawasak na pinagsamahan.

Sinaksak mo ako gamit ang iyong paalam.
Binaril mo ako at iniwang nakadapa sa ganayt.
Sa ibabaw ng dugo, sa ibabaw ng luha.
Iniwan mo ako, iniwan.

Pinunit mo ang ating pangako.
Pinunit nang pinunit hanggang naging buhangin.
At inakala ko’y nasa baybayin na tayo.
Pero hindi. Walang luha sa aplaya. Walang malungkot sa dalampasigan.

Sinungaling ako kapag sinabi kong hindi kita minahal.
Kaya sinta, bago ka tuluyang lumayo, tanggapin mo ang kaisa-isa kong pabaon:
Hindi kita minahal. 
Hinding-hindi kita minahal kahit kailan.
At napakasaya ko ngayon. Ang saya-saya ko.

Hindi ko inaasam na mabalot muli sa iyong mga yakap.
Hindi ko inaasahang matikman ulit ang iyong matatamis na labi.
Ayoko nang malunod sa iyong mga mata.
Hindi kita minahal. Hindi sinta, hindi.

0 comments: