FEATURED POETRY: Lihim by Lyssa Ericka Cabarles












Hindi mo malalaman na naaalala kita
tuwing umuulan, at kung paano
tayo sabay na nahimbing sa himig ng pagbagsak nito

Hindi mo malalaman na naiisip kita
tuwing bilog ang buwan at kung
paano tayo sabay na nabighani
sa kagandahan nito sa gitna ng kadiliman

Hindi mo malalaman na naririnig kita
at ang tunog ng iyong gitara
kasabay ng huni ng mga ibon sa tanghali
na tila humehele sa oras ng siesta

Hindi mo malalaman na nadarama kita
sa bawat pag-ihip ng hangin sa gabi
at kung paano nanindig ang mga balahibo ko
sa unang beses na hinawakan mo ang kamay ko

Hindi mo malalaman na ipinapaalala kang lagi
sa akin ng araw,
at kung paano sinisimbolo ng paglubog nito
ang isang magandang pagtatapos
na nagbibigay daan sa pag-asa ng
mas magandang simula na hatid
ng muling pagsikat nito.


0 comments: