FEATURED STORY: Ika-Pitong Pag-asa ni Soc Amon
Huwebes.
Malawak
ang puting espasyo sa laptop kong apat na taon na. Kinikindatan ako ng cursor,
sabik na maglabas ng letra. Apat na araw na ang nakalipas nung makita ko ang
post sa internet tungkol sa short story competition na idinadaos taun-taon. Naghahanap
sila ng mga istorya ng buhay na maaaring tumalakay sa mga bagay na
nakakapagpainit ng ulo ng karamihan. Yun bang laging paksa sa debate sa
eskwelahan, sa kanto, sa Senado, sa telebisyon at kung saan-saan pang lugar na
pwedeng mag-usap ang dalawa o karamihan pang mga tao.
Mainit ang
hangin na ibinubuga ng electric fan na syang dumadagdag sa pagkabalisa ko. Sabi
ng mga newscasters sa paborito kong morning show, maikli lang daw ang summer
ngayon at mas matagal ang tag-ulan. Umasa akong sa pagpasok ng Hunyo ay nasa
kalagitnaan na ng alpabeto ang pangalan ng mga bagyo. Hindi pala. Marami akong
pag-asa sa katawan kaya hindi ko maiwanan ang harap ng laptop. Kailangan kong
masimulan ang istorya na due na pagkatapos ng tatlong linggo.
Akala ko
madali lang para sa akin ang makakuha ng inspirasyon para sa istorya ko.
Nakini-kinita ko ang sarili kong parang nananalamin lang at binubuhos sa pahina
ang mga salitang maaaring mag-kwento ng buhay dahil kahirapan ang bumubungad sa
akin araw-araw.
Kapag
nakikita ko ang mga kapitbahay ko, hindi ko maiwasang humanga sa tatag nila sa
pagharap sa kinasadlakan nila. Maambisyon kasi akong tao kaya kahit sa iskwater
na ako nakatira ngayon ay hindi ko hinayaang matulad ako sa mga kapitbahay ko.
Ayokong makita ang sarili ko na pagtapak ng singkwenta ay may pitong anak at
sandamukal na apo na hindi ko kinayang suportahan. Ayokong tumanda na ang
tanging alam sa buhay ay bingo at siesta sa hapon at drama sa telebisyon
pagdating ng gabi. Ayokong mamatay at ilibing sa masikip na sementeryo sa
kalapit na baranggay na syang pugad ng mga rugby boys at snatcher o minsan pa
nga ay mga magkasintahan na walang pera para sa kwarto sa motel. Tagarito ako
pero hindi ako kuntento sa buhay na ganito.
Hinayaan
kong lumaylay ang ulo ko sa likod ng upuan. Malawak din ang kisame at wala pa
rin akong mahagilap na salita. Pinikit ko ang mata ko at sinimulan kong
isa-isahin ang mga paksa na gusto kong talakayin sa istorya ko. Umabot ako sa
pangalawang bilang ng listahan. Hindi ko kaagad naituloy dahil naalala ko,
kaninang umaga, kausap ko si Neng-neng na kapitbahay ko.
Ah, si
Neng-neng… Dalawang bahay ang pagitan ng mga bahay namin. Sampung taon na daw
sya, sabi nya, nung maalala kong tanungin ang edad nya. Maliit para sa edad nya
si Neng-neng, pero tingin ko, angat sya sa iba dahil bukod sa maganda ang kulay
nya ay masarap mangusap ang mga mata nya. Bilugan at malaki na may maliit na
tusok sa magkabilang dulo. Parang singkit na hindi, sabi ng kapatid ko. Parang
pusa, sabi ng iba. Mas gusto ko yung huli.
Para kasi
sa akin, may misteryo sa mga mata ng pusa, na kapag tinitigan ka nila ay
malalaman mong may alam sila sa sikreto ng pagkatao mo. Ngunit kapag
pinagmasdan nila ang paligid ay maaninag mo ang kuryosidad sa makulay nilang
mata. Ganoon ang mata ni Neng, may kuryosidad ng bata at may pag-unawa ng
matanda.
Malapit na
ang pasukan kaya tinanong ko sya kung anong grade na nya sa pasukan. “Greyd
por”. Ah. Inalam ko kung may gamit na sya para sa eskwela. Wala pa.
“Wala pa kasing pera si mama, eh.” Sabay ngiti sa akin na may kasamang
pag-ngiwi. “May sakit kasi…” dagdag pa ni Neng. “Eh, si papa mo?” tanong ko.
“Wala, eh. Bumyahe. Saka wala paring pera yun” sagot niya.
Hindi ako
nakaimik kaagad. Bumalik ako sa nakaraan. Isang dekada at dalawang taon na ang
nakalipas. Sampung taon ako, sabik na nagayak para pumunta sa mall. Mamimili
kami ng gamit sa eskwela kasama ang mga kapatid ko. Excited ako dahil may bago
na naman akong gamit! Pamilyar na pamilyar sa akin ang amoy ng mga bagong
gamit. Gustung-gusto ko ang amoy ng notebooks kong Pro-earth. Pati ang
makikintab na mongol pencils! At saka ang mga Pentel Color Pastels… Nasa
National Bookstore kami, hawak ko ang pulang basket na may laman ng mga sarili
kong gamit sa pasukan. Sunud-sunod kami sa pila nila Ate Jane, Kuya Mart, at si
Annie, bunso namin. Sa katapat na iskaparate ay namimili si mama ng bag ni
Annie. Siya at si Ate Jane na muna ang bibilhan ng bag dahil sa akin mapupunta
ang pinaglumaan ni Ate Jane at, sabi ni mama, maaari pa daw gamitin ni kuya
yung luma nyang bag dahil hindi pa sira. Ayos lang naman yon sakin dahil yung
lumang bag ni ate ay Barbie ang disenyo at kulay pink. Sabi ni Kate, kaklase ko
nung grade three, padadalhan daw sya ng mommy nya ng Barbie na bag na galing sa
States ngayong pasukan. Ibig sabihin, hindi ako mahuhuli sa uso!
“
Gagamitin ko yung binigay n’yong bag sakin” sabi ni Neng-neng. Nasa tabi ko
ulit siya at nasa harap kami ng bahay naguusap. Nakaupo kami sa may gate namin.
Wala na pala ako sa National Bookstore.
“Ah, yung
Barbie na pink?” tanong ko. “ Oo.”sagot ni Neng-neng na may kasamang ngiti ng
pasasalamat. May kasama kasing pag-pikit ang ‘oo’ nya kanina. Ibig sabihin,
feel na feel nya.
“ Sabi nga
ni mama, ‘buti daw meron na akong bag, kaso wala pa nga lang ilalagay! Haha!”
Tumawa si Neng-neng at lumitaw ng maliliit nyang ngipin. Mababanaag mo ang saya
sa munti at morenang mukha ni Neng-neng. Pati sa galaw ng lagpas-baba nyang
buhok. Mababaw nga lang talaga ang ligaya ng batang gaya ni Neng-neng. Kasya
lang sa isang bag.
“Excited
ka na bang mag-aral?” tanong ko ulit sa kanya. Sunud-sunod ang tango na
isinagot nya sa akin. “Sabi ni mama, kami daw ang tutulong sa kanila ‘pag laki
ko kaya dapat daw akong mag-aral ng mabuti.”
Lumingon
ako sa kaliwa kung saan nakagawi ang bahay nila Neng-neng. Natatandaan ko noong
una akong pumasok sa bahay nila, sobrang init. Walang kisame ang loob ng bahay
nila at apat na dipa lang ang lapad at haba nito. Paglabas mo ay may labahan na
gawa sa bitak-bitak na semento. Maputik, ngunit ang bahaging iyon ang
nagsisilbing tambayan nila tuwing tanghali dahil sa tindi ng init sa loob ng
kabahayan.
Walo
silang magkakapatid at pang-pito si Neng-Neng. Pumapasada ng pampasaherong bus
ang tatay niya kaya minsanan lang kung umuwi, para na rin makatipid sa
pamasahe. Ang alam ko, sa bus na natutulog ang tatay nila Neng upang lumagari
ng pasada. Ang nanay naman nya ay nagtitinda ng gulay sa palengke. Disente kung
tutuusin ang kabuhayan ng nanay at tatay ni Neng ngunit hindi iyon sumasapat
dahil sa laki ng pamilya nila.
Paglingon
ko sa kaliwa ay si Aling Carmen na ang nasa harap ko. Kakatapos lang nyang
maglaba at balak nyang mag-siesta sa tapat ng bahay nila. Nakita nya ako at
naisip nya sigurong mas masayang makipagkwentuhan. Malaking babae si Aling
Carmen, ngunit bagsak na ang katawan. Laylay na ang magkabilang pisngi ng
braso, pati na rin ang dibdib nya na kung iisipin mo ay siguradong mayabong
noong kabataan pa nya. Kwarenta y tres palang si Aling Carmen. Sa paningin ko
ay higit pa ang inedad ng katawan nya dahil sa trabaho at pag-aanak.
Ngumiti
sya at tinanong kung wala akong pasok ng araw na yon. “Wala po” sagot ko.
“Mabuti pala ano? May pahinga ka pag linggo.” Komento ni Aling Carmen.
Tinapik-tapik nya ang katabi nyang silya bilang pag-alok na tabihan ko sya.
Nagpaunlak ako. “Alam mo, sing-edad mo siguro ako nung mabuntis ako kay Tata.”
Sabi ni Aling Carmen. Lumingon siya sa padaan na naglalako ng kalamay. Napukaw
siya ng sigaw nito.
Carmencita
ang pangalan ng panganay ni Aling Carmen. Nahirapan daw si Carmencita na
banggitin ang buo n’yang pangalan kaya kapag binabanggit daw ito at tanging
‘Tata’ lang ang lumalabas sa bibig nito. Si Tata. Kalaro ko sya dati noong
bagong lipat kami. Mas matanda sya sa akin ng dalawang taon. Dies y nueve na
ako at si Tata ay may asawa at anak na ngayon.
Bumuntong
hininga si Aling Carmen sa tabi ko. “ Huwag kang gagaya sa akin… Nag-anak na
lang pagkatapos ng high-school. Atat kasi, eh. Kung babalik lang ako sa panahon,
hindi ako mag-aanak ng maaga. Hindi kasi uso ‘non ang kundom at pamili
planning!” hininaan nya ang huli nyang sinabi. Natawa ako ng bahagya.
“Mabuti
nga kayo ngayon, alam nyo na ang mga ganyan-ganyan. Kami kasi noon, naku, hindi
pwedeng pag-usapan ang mga ganyang bagay! Kaya ginawa na lang namin!” Tuluyan
ng kumawala ang bungisngis ni Aling Carmen.
“ Ang inay
ko, kapag narinig sa amin ang mga pangalan ng kaklase naming lalaki,
papaluhurin kaagad kami non! Eh, paano pa kaya kapag narinig nya kung paano na
magusap ang mga kabataan ngayon tungkol sa sex!” dagdag pa ni Aling Carmen.
Nakitawa na rin ako sa kanya.
“Eh, di
okay lang po sa inyo na aralin nila Marites at Agnes sa school yung Sex
Education?” hirit ko. Napaisip siya.
“ Hindi
naman siguro masama. Nasa high-school naman na sila, eh. Kesa naman kung saan
saan pa nila matutunan yon! Maigi na rin na guro ang magturo. Atlis, hindi sila
matutulad sa akin.” may himig ng lungkot ang huling tinuran ni Aling Carmen.
“ Yun
ngang ar-ets bil, dapat ipasa na yon! Ang dami na din kaya natin dito sa
Pilipinas. Dito pa nga lang satin, eh, masikip na. Paano pa kaya sa buong
bansa. Saka tingin ko, uunlad ang bansa natin kapag oonti tayong mga mahihirap.
Tignan mo yung mga mayayaman, konti lang sila mag-anak, kaya konti lang din ang
maghahati sa pera nila. Eh, tayong mahihirap, isang team ng basketbol kung
mag-anak kaya yung kakarampot na kita, kelangang hatiin sa marami! Oh, diba?”
May punto naman si Aling Carmen.
Sabi sa
mga balita nitong mga nakaraang araw, mahigpit na ang pagsusulong ng RH bill at
kasama na rin doon ang pagda-dagdag ng Sex Education sa curriculum ng mga
eskwelahan. Mahigpit din naman itong tinututulan ng simbahan. Hindi ko lang
alam kung ang mga taga-simbahan ay may pamilyang gaya nila Aling Carmen. Kung
kaya mabubuhay ang simbahan gaya ng buhay ng karamihan sa atin, tututulan kaya
nila ang RH bill at Sex Education?
Wala na sa
tabi ko si Aling Carmen. Nasa loob ako ng classroom namin sa MAPEH sa fourth
year high school. Nagdi-distribute ng condom yung teacher namin, si Mr. Aragon.
Nasa mid-thirties na si sir, alam ko. Maitim, matangkad at pwede na. Maraming
may crush kay sir dahil “cool” sya. Laki kasi syang US. Inglisero pero pasado
ang Filipino. Mas madalas na nya ngayong gamitin ang Filipino, pero kapag ‘he’s
making a point’, nagiging bloodbath sa loob ng classroom. Nosebleed ang English
ni sir, eh.
“Oh, alam
ko, alam nyo na yan.” Panimula ni Mr. Aragon. “ Pati mga babae dapat kumuha.”
Nagtawanan ang mga lalaki at na-conscious ang mga babae. Pinasa sa akin ang
kahon. Kumuha ako at tiningnan ang tatak. Trust.
“ Now, I’m
not telling you to just have sex. But since I know that you, guys, are
insatiably curious, I am letting you know that there is a safe way to do it.
Girls, you don’t want to be pregnant while attending the prom, do you?”
Tinitigan nya ng mariin ang mga babae sa harapan na row.
“And boys,
you might as well stick it to where it’s safe. Having a baby when you’re
seventeen or eighteen is tough. You’d have to wake in odd hours, change
diapers, make baby food, and do lots of stuff that is way more intense than
basketball or harder than math. Now, imagine doing that while you’re in
highschool.” Mas mariin ang tingin nya sa mga lalaki sa loob ng silid.
“I want to
let you know that having sex with someone is more fulfilling if you are with
the one you are married to. Because you can be sure that that person will
support you no matter what happens in life. This is not to advertise chastity
but to explain to you that your body is your responsibility. Whatever you do
with it will reflect what you are.” Pakiramdam ko, nasa Marriage Encounter ako
na ina-attend-an nila mama at papa. Pero sa tingin ko, tama naman si sir sa mga
sinabi nya.
Pagkatapos
ng isang linggo, pinagawa kami ni Mr. Aragon ng project. Magaalaga kami ng
itlog. Fresh eggs. Kailangan daw ay tumagal yon ng isang linggo na hindi
nababasag. May pirma ang bawat itlog kaya hindi pwedeng palitan. Sa ganoon daw
maipapakita kung gaano ka-responsible ang bawat isa sa amin. Mahuhubog daw ang
‘sense of responsibility’ namin. Nagawa ko naman ang pinagawa ni sir, pero
hindi nagustuhan ni mama nang umalingasaw sa basurahan ang amoy ng bugok na
itlog pagkatapos ng isang linggo. Napapikit ako habang pinapagalitan ni mama.
Mabaho rin pala ang responsibilidad. Kaya siguro maraming tumatakas dito.
Pagmulat
ko ay mukha na ni Neng-neng ang nasa harapan ko. Bilog na bilog ang mga mata
n’ya at nakatitig sa akin. Wala kami sa labas ng bahay, nasa kusina kami.
Nakain sya. Nagluto si papa ng sinampalukang manok. May halong bulaklak ng
sampaloc kaya talagang lasa ang asim. Kinilig si Neng-neng. “Asim!” sambulat
nya habang nakapikit.
Hindi pa
rin siguro uso sa edad ni Neng ang hiya kaya pumayag syang makikain sa amin.
Wala kasi silang hapunan ngayong gabi. Okay lang naman kasi sobra talaga yung
ulam. Saka malaki na kaming magkakapatid, kung sakaling maubusan, matitiis
naming ang gutom at iisipin naming mag-ate na nag-after six lang kami. Kumpara
sa musmos na isip ni Neng at ng iba pa nyang kapatid na para sa kanila ay ang
gutom ay talagang gutom. Kapag walang pagkain, wala talagang pagkain. Mapalad
ang ibang bata na may hapunan sa gabing yon kesa sa kanila. Para kay Neng,
biyayang maituturing ang isang takal na kanin at isang mangkok na sinampalukang
manok. Naisip ko yung bunso nila at yung dalawa pang nasa elementary, tiyak
hindi pa rin nakain ang mga batang yon.
“ Tawagin
mo kaya sila Miles, saka si Andeng at Che-Che. Baka hindi pa rin yun mga yon
kumakain.” Sabi sakin ni papa, sabay kalabit. Pareho pala kami ng iniisip.
Nakatingin lang si Neng, pawisan ang mukha. Nauunawaan ang malasakit na
pinapakita ng mga kapitbahay nya.
Lumabas
ako ng bahay at naglakad papunta sa bahay nila Neng-neng. Mahalumigmig na ang
hangin. Tumingala ako, walang mga kumikislap. Ibig sabihin, makapal ang ulap sa
itaas. Nagbabadya ang ulan.
Pumasok
ako sa may mabatong labahan nila Neng at kinatok ang pintuan nila Aling Carmen.
“ Ate, andyan po ba sila Andeng at Che-Che, pati si bunso?” tanong ko kay Aling
Carmen pagkabukas nya ng pinto. Nangingitim ang palibot ng mata ni Aling
Carmen. “ Pinapasundo po sila ni papa.” Dagdag ko. Umubo muna sya saka tinawag
ang tatlong bata. Naintindihan ni Aling Carmen ang intensyon naming at nagpaubaya
sya.
“ Ay,
hala, tawag daw kayo ni Kuya Nuel.” Udyok ni Aling Carmen sa mga bata. “Wag
kayong makulit dun, ha?” Bilin pa nya.
“Salamat,
ano, ha?” pagkuway sabi ni Aling Carmen sa akin. “Pasensya na at si Kuya Jojo
mo, eh, wala pa. Hindi pa nauwi.” Alam ko na hindi pa nauwi ang asawa nya.
Nasabi na sa akin ni Neng-neng kahapon. Hawak ni Aling Carmen ang pulsuhan ko.
Nakatingin ako sa kamay nya habang nagsasalita sya. Nanginginig yon.
“ Andeng,
mauna na kayo sa bahay. Sabihin nyo, susunod ako.” Sabi ko sa mas panganay sa
tatlo. “ Bitbitin mo na si Miles at walang tsinelas.” Dugtong ko, dahil alam
kong sanay maglakad ng nakayapak ang bunso nila Aling Carmen na si Miles. Gala
din ito kaya madalas ay may sugat sa paa. Hindi na nga lang mas madalas ngayon,
siguro ay kumapal na ang kalyo sa paa ng bata at nasanay sa garas ng kalye.
Sumasalamin nga talaga sa tao ang pangalan nila.
Nauna na
nga sila Andeng, hindi na nagpatumpik-tumpik pa. Gutom na nga siguro.
“Okay lang
po yun, ‘te.” Hinawakan ko ang nanginginig na kamay ni Aling Carmen at ginagap
ng dalawa kong palad. “Naiintindihan naman po namin…” ngumiti ako upang
ipabatid sa kanya na ayos lang ang lahat.
Nangingilid
ang luha sa pagal na mata ni Aling Carmen. Habag. Yun ang tangi kong
nararamdaman ngayon habang saksi sa kalagayan ng kapitbahay ko. Tuluyan ng
umagos ang pait sa hapis na pisngi ni Aling Carmen. Parang kalahati ng timbang
nya ang nabawas nung huli ko syang makita. Ang dati’y malaking babae, ngayon ay
parang lug-ukin na. Mahigit singkwenta anyos ang tingin ko sa kanya ngayon.
Tila ba humahabol na siya sa edad ng nanay nyang si Nanay Medring na ngayo’y
nasa sisenta y anyos na. Pinisil ko ang kamay nya. “H’wag na po kayong
mag-alala.” Ngunit tingin ko’y hindi sapat ang mga salitang yon para
palubagin ang loob nya. Lumakad na ako palayo sa kanya.
Pumasok
ako sa bahay at sumalo sa hapag. Parang isang linya sa kanta: “masdan mo ang
mga bata…” Yun nga ang ginagawa ko at hindi ko mapigilan ang sarili kong
tuluyang maawa. Pumasok ako sa kwarto at sumilip sa bintana. Natagiti. Mabini
ang patak ng ulan, gaya ng luha ko. Dahan-dahan ang pagpatak. Tila sinasanay ng
bawat luha ang sarili nila sa aking pisngi. Hinahagod at ninamnamnam ang balat
ko. Nalasaan ko ang luha ko. Maalat. Kasing-alat ng kalagayan ng mga batang
kinupkop namin ngayong gabi. Pinilit kong pigilan ang hikbi na kumakawala sa
lalamunan ko. Ngunit hindi kinaya ng labi kong sarhan ang sigaw ng pagkatao ko.
Ang drama ko naman, baka mahuli ulit ako ni ate sa ganitong sitwasyon. Isang
taon kong dadanasin ang hirap na mabigyan ng palayaw na “best-actress”.
Inihilig
ko ang ulo ko sa bintana ngunit nangawit ako. Yumuko ako at pinatong ang ulo ko
sa pasamano ng bintana. Malamig at basa na ang hangin sa labas. Hindi ko alam
kung luha ko ang tumutulo o nababasa na ako ng ulan galing sa labas. Wala na
akong pakialam. Tuluyan na akong dinalaw ng antok.
Nakakapagod
ang ganito. Nakakahilo…
Basa ang
pakiramdam ng mukha ko.
Maasim.
Nagising
ako sa harap ng laptop. Naghalo ang laway at luha sa mukha ko. Kinapa ko ang
loob ng bag ko kung merong pwedeng pamunas sa mukha. Wala. Badtrip. T-shirt na
lang.
Hinarap ko
ang laptop pagkatapos kong tanggalin ang namuong muta sa mata ko. Hindi ko alam
kung gaano ako katagal nakatulog. Pagtingin ko ulit sa laptop ay nang-aanyaya
na ang kindat ng cursor sa pahina ng Microsoft Word. Alam ko, may maisusulat na
ako. Nagtipa ako.
Shit, wala
pala. Hindi ko na maalala.
Sabado ng
umaga. Maagang-maaga. Ginising ako ni papa. “Patay na si Ate Carmen mo.”
Sabi nya.
Sabado ng
gabi. “Nakunan daw yan nung isang araw, eh. Hindi na kinaya ng katawan.”
Tumango ang sinabihan. “Kaya pala...”
Kaya pala.
Kausap ko
lang si Neng-neng kahapon. Tinanong ko sya kung may gamit na sya sa eskwela.
Wala pa. Hindi ko natanong kung kamusta na ang nanay nya. Nagkausap kami ni
Aling Carmen nitong huling Martes ng gabi. Hinawakan nya ang kamay ko,
nanginginig sya non. Hindi man lang ako nagtanong. Bakit hindi ako nagtanong?
Bakit si Neng-neng ang lagi kong tinatanong?
Ayon sa
mga usisero’t usisera, nabuntis ulit si Aling Carmen, umalis si Kuya Jojo para
daw pumasada. Pero bago umalis, sinabihan si Aling Carmen na ipalaglag na ang
bata dahil di na nila kakayanin pa ang isa pang anak. Sabi ni Nanay Medring,
sana daw inisip yon ng walanghiyang si Kuya Jojo bago nya parausan si Aling
Carmen. Lasing lagi si Kuya Jojo kapag nasa bahay nila kaya wala siguro sa
huwisyo. Hindi daw pumapayag si Kuya Jojo kapag ayaw ni Aling Carmen na
magsiping sila. Iyon lang daw ang kwenta ni Aling Carmen sa buhay. Hayop nga
daw talaga si Kuya Jojo.
Tuloy ang
tong-its sa paligid ng bahay nila Aling Carmen. Nandoon ang walo nyang anak at
ang nanay nya. Hindi pa nagpapakita si Kuya Jojo. Wala nga sigurong balak. Sana
naging teacher ni Kuya Jojo si Mr. Aragon nung highschool, para naman nahubog
ang “sense of responsibility” nya. Sayang.
Magkatabi
kami ni Neng-neng sa monobloc. Yakap-yakap ako ni Neng-neng kahit maalinsangan
ang hangin. Mainit at malagkit ang pakiramdam ko ngunit alam ko na mas matindi
and dinaranas ngayon ng munti kong kaulayaw sa araw-araw. Sapat lang siguro na
kabayaran ang yakap na ‘to sa walang sawang pag-sagot ni Neng-neng sa mga
tanong ko. Walang tanong na namamagitan samin ngayon. Tanging hikbi nya at ng
kalapit na sila Andeng, Che-Che, Maritess, Agnes, Jepoy at Jelo. Nakatulog na
si Miles kaya ipinasok na ito ni Nanay Medring. Nasa kaliwa ko si Tata, karga
ang anak nyang isang taong gulang. Nag-to-tong-its ang asawa nitong si Bryan.
Nakisali na rin si Nanay Medring. May balak kaya si Nanay Medring na ibili ng
gamit sa National Bookstore ang mapapanalunan nya sa tong-its? Magagamit pa
kaya ni Neng-neng ang pink na bag na binigay namin sa kanya para ngayong
pasukan?
Hindi ko
magawang tanungin si Tata tungkol sa kapatid nya. Alam kong may iba rin syang
alalahanin. May pamilya na sya. May dapat na syang paglaanan ng sarili nyang
panahon.
Nagawi sa
kabaong ang tingin ko. Nakalagay sa ibabaw ang litrato ni Aling Carmen nung
sya’y bata-bata pa. Nakaukit ang kuryusidad sa matang kasinghugis ng mata ng
ika-pito nyang anak. Ang sinasabi n’yang pag-asa nila. Ang mag-aangat sa
kahirapan at tutulong sa oras na lumaki na sila. Sana nga lang, hindi
binibigyan ng magulang ng ganoong responsibilidad ang mga anak nila. Mabigat
yon, dahil sa musmos nilang isipan ay dinadala na nila ang ganong kabigat na
pasanin. Doon nagsisimula ang pagtanda. Mas mabilis nilang nakakalimutan ang
pagka-bata nila.
Para tuloy
pantapal ang kabataan ngayon. Sila ang aayos sa kabulastugan na ginawa ng
magulang noon. Pinag-aaral nga lang ba ang mga anak ngayon para sa pag-unlad ng
magulang o para sa pag-unlad ng sarili nya? Leverage, ‘ika nga nung TV series
sa US.
Tiningnan
ko ang magkakapatid. Nasabi kaya ni Aling Carmen kina Maritess at Agnes na okay
lang na pag-aralan ang tungkol sa sex ngunit huwag itong gagawin sa hindi
takdang panahon? Napaalalahanan kaya nya ang iba pa nyang anak na huwag tularan
ang mga desisyon nya sa buhay? Tulad noong dies y nueve pa lang ako. Dalawang
taon na ang nakalipas nung ipaalam sa akin ni Aling Carmen na mali ang desisyon
nya na mag-anak nang maaga. Sana nasabihan ng mas maaga pati si Tata.
Bumabaha
ng alaala sa utak ko at hindi ko maiwasang isipin kung papaano na ang buhay
nila Neng-neng at ng mga kapatid nya. Aampunin kaya sila ng simbahan? Pro-life
naman sila. Bubuhayin naman siguro nila ang mga batang ‘to dahil sila na mismo
ang nagsabing mag-parami tayo. Sila naman mismo ang nagturo kanila Aling Carmen
at Kuya Jojo na okay lang magparami. Sabagay, malaki naman ang simbahan, marami
ang pwede nilang patirahin sa ilalim ng pamamalakd nila. Makikita kaya nila ang
pamilyang ito sa dinami-rami ng pinagkakaabalahan nila pati na ng gobyerno?
Pero
habang naghihintay sa aksyon ng mga dapat umaksyon, paano na kaya ‘to? Hindi
naman araw-araw ay sumusobra ang lutong ulam ni papa.
Si neng-neng at Carmen.
ReplyDeleteYoung people should read this!