Ito ay nasa kulay ng pula, mga pisnging tila nagiging kamatis sa tuwing kasama ka. Kulay ng mga bulaklak na ibinibigay mo sa uma-umaga.
Ito ay nasa kulay ng kahel, kulay ng isang nagbabagang apoy sa malamig na gabi. Maalindog ngunit maaari ring magdulot ng panganib.
Ito ay nasa kulay ng dilaw, tulad ng araw na nagbibigay buhay sa bawat nilalang. Pagsikat nito’y hudyat ng pag-asa, parang pagkakilala sayo na Diyos pa ang nagtadhana.
Ito ay nasa kulay ng berde, mga kulay ng dahong nasa itaas natin kapag nakaupo tayo sa ilalim ng isang puno habang kinakantahan mo ako ng mga awiting Pinoy. Kulay ng isang isang halamang busog sa kanyang mga pangangailangan, ako simula nang makilala ka.
Ito ay nasa kulay ng asul, isang kalangitan na walang ulap sa katanghalian. Kulay ng kapayapaang namamayani sa bayan. Takbo ng aking buhay simula nang dumating ka, payapa.
Ito ay nasa kulay ng lila, tulad ng damit na ibinili mo para sa ikapitong anibersaryo natin. Ang naging kulay ng pinapangarap nating bahay sa hinaharap na pupunuin ng pagmamahal at masasayang ala-ala. Bubuo ng di man perpekto, ngunit isang matayod na pamilya.
Ito ay punong-puno ng kulay, umaapaw tulad ng damdaming di na maisukat para sa iyo. Hindi ko alam na maaari palang makadama ng ganito. Ano man ang mangyari, basta ito ang totoo, mamalin kita hanggang sa dulo ng mundo.
Ngunit…
Sa hindi inaasahan, ito’y napunta sa kulay ng itim, kulay ng nadama noong nakita kang kasama siya. Kulay ng buhok niyang napakatuwid at napakaganda. Kulay ng pait na naramdaman sa kaligayahan mong hindi na ako ang kasama. Kulay ng mga sumunod na araw na hindi ikaw ang aking kapiling sinta. Kulay ng aking kwarto, sa dilim ay wala ka nang makikita.
Sumunod ay nasa kulay na ng puti, ano nga ba ang nagawa ko? Siguro’y nawala na nga sa tamang pagiisip. Ano ba ang nangyayari? Ano ba ang naging desisyon ko? Bakit purong puti ang nakikita? Ewan ko ba, siguro’y pagod na nga ako nang sobra, pagod na pagod na mahalin ka, kahit hindi na ito tama.
x
Read More »